top of page

Samu’t Sari 

Ni Kristine Anjela C. Pablo

Sabi nila, mayaman daw ang bansang Pilipinas. Madaming itinatagong mina, mga bulkan at bundok na matatayog, pati na rin ang malinaw at mala bughaw na tubig. Sa larang naman ng edukasyon, nariyan ang mga guro. Sa agrikultura, maraming uri ng bigas ang  itinatanim ang mga magsasaka–dinorado, sinandomeng, at maharlika. 

Samu’t sari man ang kanilang aanihin, mukhang samu’t sari rin ang problemang kanilang kinahaharap.

Para kay Roberto Vergara, tatlumpung taon nang magsasaka sa Lemery Batangas, kinailangan niya pang mangibangbansa ng apat na taon sa Brunei bilang isang marble installer upang maging sapat ang perang ipinapadala sa kanyang mga anak.

Bukod pa, isinama na rin niya sa kanyang raket ang pag-aalaga ng baboy at manok maging ang pagbebenta nito biglang pandagdag kabuhayan.

Tila siklo na nga raw ang takbo ng kanyang buhay sa isang araw. Ala-singko pa lamang ng umaga ay nakabangon na siya, daig pa ang tandang na kanyang inaalagaan.

Pagsapit ng ala-siyete ay handa na ang kanyang itak na siyang pangkalkal sa lupain at ilalagay na ang pataba at sisimulan na ang pag-aabono.

Kung tutuusin, wala naman nga daw silang ibang pagpipiliian kundi ang gawin ang ganitong pamumuhay na magtrabaho hanggang gabi.

Kaya naman mukhang hindi nagbibiro ang kantang “Magtanim Ay Di Biro” na siya nang naging pangunahing tema ng kanilang buhay.

Sa mga panayam ng Rice Together sa mga magsasaka na siyang nakilala, iisa ang dibuho ng kanilang mukha. Hindi nila nanaising sapitin ng kanilang mga anak ang trabahong kanilang ginagawa.

Sang-ayon naman ito sa artikulo ni John Patrick Habacon mula sa Rappler na mas nanaisin pa ng mga magsasakang makita ang kanilang mga anak na makapagtapos ng pag-aaral at makakuha ng sapat na sweldo sa pipiliin nilang trabaho.

Isa rin sa kanilang mga ikipangangamba ang kakulangan sa suporta ng gobyerno bagama’t samu’t sari rin ang mga programa nito para sa pagpapaayos ng daan, pagpapabago ng pangalan ng isang Philippine airport, at ang kamakailan lamang na lumobong confidential funds ng bise presidente.

Kung mananatili ang mga kapitalista at hindi mababago ng status quo, mananatili na lamang tayo sa ilalim ng tatsulok ni Karl Marx, o di kaya’y baka lalong totohanin ni Bamboo ang kanyang awitin.

Dahil kung minsan, hindi lamang mga natural na kalamidad tulad ng bagyo at pandemya  ang kanilang kalaban kundi kapwa tao na nakikita ang kanilang mga pinagdadaanan.

Dahilan na rin ito ng lumalalang neoliberalisasyon, kung saan walang sariling lupang aanihin ang mga magsasaka, pagtaas ng presyo ng palay, maging ang imprastraktura.

Kamakailan lamang noong buwan ng Oktubre ay nagkaisa ang grupo ng mga magsasaka upang ipagdiwang ang Araw ng mga Pesante upang palakasin ang kanilang panawagan ukol sa Rice Tariffication Law.

Walang masama sa sama-samang pagkilos kung ang benepisyo nito ay magiging samu’t sari. Dahil ang mga ordinaryong mamamayang ito ay hindi natin kalaban, ngunit dapat silang pakinggan dahil mayroong responsibilidad na nakakabit sa kanilang mga balikat. Dahil kung mnsan, hindi dahil sa mga natural na kalamidad sila naapektuhan, kundi sa kawalan ng suporta at hindi makataranungang pagtaas ng bilihin na dumadagdag sa paghihirap na kanilang aanihin.

DSCF4102.jpeg
IMG_0004_edited.jpg
bottom of page