top of page

Isang Kain, Isang Tuka

Ni Rovie Gonzales

Sunod-sunod ang balita sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa. Kung dati ay napalaking halaga na ng isang libong piso, ngayon ay hirap na hirap ang mga Pilipino pagkasyahanin ito pangtustos sa araw-araw na pangangailangan ng pamilya.

Isa si Nanay Donnabel sa mga Pilipinong may hinaing sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalong-lalo na ang bigas.

Hindi mawawala ang kanin sa hapag kainan ng mga Pilipino, kung kaya’t ganun na lamang ang pagsamo ng mga rice consumers sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas. Si Donnabel ay isang nanay at aniya’y talagang mahirap mag-budget sa panahon ngayon dahil hindi lamang bigas ang kailangan niyang pag gastusan lalo na’t may pamilya siyang kailangan niyang buhayin

Kung dati ay nakakabili pa sila ng dalawampu’t limang kilo ng bigas, ngayon ay patingi-tinging lima hanggang sampung kilo na lamang dahil hindi na kaya tapatan ng kanilang kita ang taas ng presyo ng mga bilihin.

Kung ating babalikan, ipinangako ni Pang. Bongbong Marcos ang bente pesos na bigas per kilo noong nangangampanya pa lamang siya. Ngunit bakit hanggang ngayon ay hirap pa rin ang mga Pilipino pagkasyahin ang kanilang pera sa kanilang pangangailangan? Bakit kabilang sa hinaing ng mga Pilipino na babaan ang presyo ng bigas?

Hindi pa rin sapat ang hirap na dinaranas ng mga Pilipino upang marinig ang hiling nila sa gobyerno.

Hanggang ngayon ay nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan pa rin ang mga nakaupo, dahilan kung bakit mabagal ang progreso ng mga pagpasa ng batas na kailangan sa pagpapaangat ng buhay ng mga Pilipino.

Tanging hiling ng mga nasa laylayan ay marinig, makita, at pakinggan ang kanilang boses upang lahat tayo ay magkaroon ng maayos na pamumuhay. Sa laban ng mga Pilipinong magsasaka, hindi lamang sila ang apektado, kundi pati na rin ang mga kumukunsumo ng kanilang ani.

Ang paghihirap ng mga magsasaka ay paghihirap din ng mga Pilipino. Sama-sama tayong magtulungan at umangat sa buhay nang walang naiiwang Pilipino sa laylayan.

IMG_8311.HEIC
bottom of page